Saranggola ni Pepe: Paano Lumikha ng Naratibo sa Wikang Filipino

Ni Mark Teo (Class 2023)

Siyam na taong gulang pa lang ako noong narinig ko sa radyo ang kanta ni Celeste Legaspi na Saranggola ni Pepe. Bukod sa aking katuwaan dahil sa tonong kung saan napapaisip ako na walang problema sa mundong ito, naintriga ako sa imaheng nilikha ng kanta sa loob ng aking kaisipan. Maraming taon ang lumipas bago nalaman ko na ang kantang ito ay may mas malalim na kahulugan. Sa pagsusuri ng kantang Saranggola ni Pepe, makikita ang kakayahan ng wikang Filipino sa paglilikha ng naratibo.

Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe

Matayog ang pangarap ng matandang bingi

Ayon sa CCP Encyclopedia of Philippine Art, si Pepe ay kumakatawan sa ordinaryong Pilipino, at ang kaniyang saranggola ay ang kaniyang pangarap para sa kinabukasan. Ayon sa iba’t-ibang interpretasyon ng mga linyang ito, dahil “Pepe” ang palayaw ni Dr. Jose Rizal ay sinasabi na simbolo ito ng pangarap ng isang bayani para sa ating bansa. Ang matandang bingi naman ay nagtutukoy sa presidente sa mga panahon na iyon – si Pangulong Ferdinand Marcos. Nailabas ang kantang ito noong 1977, limang taong matapos naideklara ang Batas Militar. Ang asawa ni Legaspi na si Nonoy Gallardo ang gumawa ng kanta, gamit din ng medyo sirang ukulele ng kanilang anak. Sa halip ng tuwirang pagtira sa gobyerno, gumamit si Gallardo ng imahe para hindi halata. Bagaman hindi masyadong halata sa unang pagkinig ng kanta, ang kantang ito ay produkto ng mga karanasan ni Gallardo sa panahon ng Batas Militar.

Umihip ang hangin, nawala sa paningin

Sigaw ng kahapon, nilamon na ng alon

Malabo ang tunog ng kampanilya ni Padre

Maingay ang taginting, rosaryo ng babae

Isang interpretasyon ng kantang ito ay tungkol sa mga sinaunang Pilipino. Naanod sila ng kolonyalismo, at sa susunod na mga dalawang linya ay makikita ang mga imahe na galing sa pagiging kolonya ng mga Kastila, lalo na sa mga imaheng Katoliko tulad ng rosaryo at ang kampanilya ni Padre. Sumisimbolo rin ito ng kawalan ng boses at ang pagtakip ng mga karahasan ng mga Pilipino sa panahon ng Batas Militar. Hanggang ngayon, nawawala sa paningin ang mga nangyari noon. Sa gitna ng matinding hirap na ito, umasa sila sa Diyos para malunasan ang kanilang mga problema, at makikita ito sa mga likhang sining ng mga panahong iyon, tulad ng Himala ni Dir. Ishmael Bernal.

Hinuli ang ibon, pinagsuot ng pantalon

Tinali ng pisi, hindi na nagsinturon

Dumaan ang jeepney at gumuhit pa sa kalye

Mauling ang iniwang hindi na tinabi

Ang paggamit ng jeepney, na napunta sa Pilipinas noong naging kolonya tayo ng Amerika, ay nagpapakita na sinasalaysay naman ng bersong ito ang panahon ng Amerikano. Dahil sa paggawa ng mga pampublikong paaralan, pinaaral ang mga kabataan ng wikang Ingles. Sa proseso ng “Benevolent Assimilation,” napaiba ng mga Amerikano ang kultura ng mga Pilipino. Hinuli ang mga Pilipino, at pinagsuot sila ng pantalon. (Isyu ba iyo ng kaisipang kolonyal?) Masasabi rin na “tinali” tayo dahil sa pagturo ng wikang Ingles sa halip ng wikang Filipino. Ang epekto nito ay nararamdaman natin mula noon hanggang ngayon. Mauling nga ang iniwan nila, lalo na sa mga isyu katulad ng Visiting Forces Agreement o VFA, at higit sa lahat ay hindi nga ito tinabi. Sa perspektibo ng Batas Militar, kumakatawan ito sa kawalan ng kalayaan at sa mga masasamang epekto ng Batas Militar, tulad ng mataas na utang at sistemang cronyism na hindi pa nawawala hanggang ngayon.

Pinilit umawit, ang naglaro’y isang ingit

Lumuha ang langit at ang mundo ay nanliit

Kumakaway sa bakod ang anghel na nakatanod

Sumusuway sa utos, puso’y sinusunod

Tinutukoy nito ang mga protesta na nangyari sa panahon ng Batas Militar, at kaunti lamang sa mga gustong sabihin ng mga tao ang lumabas dahil sa matinding panunupil ng administrasyong Marcos. Ilan sa mga pamamaraan na ginamit ay ang sapilitang pagkawala o matinding pananakit para tumahimik ang mga boses. Naging dahilan ito kung bakit “lumuha” ang mga Pilipino sa mga panahon na iyon. Ang mga anghel na nakatanod naman ay tumutukoy sa mga militar na sinigurado na hindi lalabas ang mga tao sa mga hangganang aprobado ni Marcos. Kasama na rin dito ang Metropolitan Command Intelligence Service Group (MISG) na sumalakay sa We Forum, isang pahayagang kritikal sa administrasyong Marcos. Sumuway sa utos ang mga Pilipino, at sinundan nila ang kanilang pusong nagnanais ng tunay na kalayaan.

Sa maikling kantang ito, ganitong karaming kahulugan ang nakuha. Naniniwala ako na pinapakita nito ang kakayahan ng wikang Filipino na gumawa ng malakas na naratibo. Makikita rin ito sa ibang mga kanta katulad ng “Ang Huling El Bimbo” ng Eraserheads, “Anak” ni Freddie Aguilar, at “Sirena” ni Gloc-9. Ang kayamanan ng wikang Filipino ay nakakatulong hindi lamang sa pagpapadala ng mensahe, ngunit pati ang paghugot nito sa ating mga damdamin para sa isang karanasang mahirap makalimutan. Ang mensahing ito na higit pang pinapayaman rin ng musika na, sa kaso ng Saranggola ni Pepe, ay pwedeng mapakinggan ng kahit mga bata. Inaaanyayahan ko kayong lahat na hanapin pa ang iba pang mga kantang Pilipino, dahil paraan ito para mas umibig tayo sa ating wikang pambansa.

Paunawa: Ginamit ko ang pagsusuri ni osoninja at NatanielProductions sa kanilang mga blog, ang video ng PH iNews ukol sa Saranggola ni Pepe, at ang aking mga opinyon para gawin ito.

 

Leave a Reply